Ang Panginoon Ang Aking Pastol
Titik: Danilo B. Isidro, SJ
Musika: Felipe Fruto Ll. Ramirez, SJ
Koro:
Ang Panginoon ang aking pastol,
Pinagiginhawa akong lubos.
Berso 1:
Handog N'yang himlaya'y sariwang pastulan,
Ang pahingahan ko'y payapang batisan.
Hatid sa kaluluwa ay kaginhawaan;
Sa tumpak na landas, Siya ang patnubay.
Berso 2:
Madilim na lambak man ang tatahakin ko,
Wala akong sindak, Siya'y kasama ko.
Ang hawak N'yang tungkod ang Siyang gabay ko,
Tangan N'yang pamalo, sigla't tanggulan ko.
Berso 3:
Inihahandog Niya sa akin ang 'sang dulang.
Maging sa harap man ng aking kaaway;
Kasiyahan Niyang ulo ko'y langisan,
Saro ko'y punuin hanggang sa umaapaw.
Berso 4:
Kagandahang-loob, pawang kabutihan.
Ang tanging kasunod ng buhay kong taglay.
Doon sa tahanan ng Poong Maykapal,
Nais kong manahan magpakailanman.
No comments:
Post a Comment